Hawak na ng pulisya ang truck driver na nakasagasa sa tatlong estudyante sa San Fernando, Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, pabalik na sana sa paaralan ang mga biktima estudyante na pawang nasa edad lima, pito at siyam na taong gulang. Dalawa naman sa mga biktima ang napag-alamang magkapatid na idineklarang dead on arrival umano ayon sa pulisya.
“Ang dalawa sa kanila ay may edad na 9 at 7. Itong 9 years old at 7 years old ay magkapatid kaya nakakalungkot isipin at naideklara sila na patay na ng attending physician,” ani PMAJ. Joann Navarro sa panayam niya sa media.
Agad umanong tumakas ang suspek mula sa crime scene at iniwan ang kaniyang minamanehong truck dahil umano sa takot na kuyugin siya ng ilang saksi. Agad din itong sumuko sa pulisya matapos ang ilang oras.
Inamin naman ng suspek na nakaidlip umano siya bago tuluyang mabangga ang mga biktima.
"Pagmaneho ko nakaidlip po ako. Pagpapatakbo ko, parang sumayaw ang truck at biglang bumulagta na lang ang mga bata,” anang suspek.
Samantala, nahaharap naman ang suspek sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide.