Sugatan ang isang security guard matapos saksakin ng isang nagseselos na tricycle driver sa Barangay Lubogan, Davao City.
Ayon sa ulat ng Frontline Tonight kamakailan, sinugod ng 37 taong gulang na suspek sa isang mall ang 33 anyos na biktima upang komprontahin dahil umano sa palihim na pagkikita ng kaniyang asawa at ng naturang security guard.
Sa panayam ng media kay P/Maj. Sheryl Bautista, selos ang primaryang motibo ng suspek sa naturang kirmen.
"Nagselos itong suspek natin at itong biktima inundayan na ng saksak ang biktima habang nasa duty. Hindi naman gumanti ang guwardiya,” ani Bautista.
Agad din umanong nasakote ng pulisya ang suspek kung saan narekober sa kaniya ang kutsilyong kaniyang ginamit sa suspek.
Hindi rin umano nagsisi ang suspek na lalo raw nagdilim ang paningin matapos siyang sabihan ng biktima na maliit daw ang kaniyang ari.
Kasalukuyan ng nagpapagaling ang biktima na nagtamo ng sugat sa kaniyang likuran habang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek. Posibleng maharap ang suspek sa reklamong frustrated murder.