Kumpirmadong ginahasa bago tuluyang pinatay ang 14 taong gulang na dalagita na natagpuan malapit sa isang ilog sa Barangay Unmidos, Nabas, Aklan noong Enero 17, 2025.
Ayon sa ulat ng XFM Kalibo 96.5 nitong Martes, Enero 21, nakasaad sa lumabas na medico legal ng biktima na dumanas ito ng pang-aabuso.
Sa panayam naman ni Police Major Jose Mark Anthony Gesulga sa isang local media outlet, nagtamo rin ng head trauma ang biktima na siyang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
“Mayroon ng initial na ibinigay si Doc Fuentes po yung medico legal natin sa cause of death ng victim natin. Yung cause of death niya is yung head injury and then mayroon din pong nakitang consistent sexual abuse po, mayroon pong nakitang laceration po doon sa private part niya po. May injury po siya, may head trauma po, using blank object po, so tumama ito sa may left side ng face niya po. Sa may bandang tainga niya po,” ani Gesulga.
Matatandaang natagpuang patay ang dalagita noong Enero 17 kung saan tumambad ang kaniyang bangkay na wala nang saplot pang-iiba.
Kaugnay nito, nakataas na rin daw ang tinatayang ₱30,000 na pabuya sa makakatulong sa mga awtoridad para sa lokasyon at pagkakakilanlan umano ng mga suspek.
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigayson ng pulisya para sa hinihinala nilang tatlong kalalakihan na siya ngayong persons of interest.