Isang pulis na may ranggong master sergeant sa General Santos City ang inakusahang nanggahasa umano ng 17-anyos na babaeng estudyante sa loob ng police bunkhouse.
Ayon sa mga ulat nitong Lunes, Enero 20, dumulog umano sa pulisya ang biktima at isinumbong na minolestiya raw siya ng isang master sergeant at miyembro ng Traffic Enforcement Unit ng General Santos City Police Office.
Isinalaysay ng biktima na pauwi na sana siya noong Enero 16 kasama ang kaniyang mga kaibigan mula sa Barangay Bula nang alukin umano siya ng pulis ng ihahatid siya nito gamit ang sasakyan.
Samantala, sa halip na sa bahay ay idineretso umano ng pulis ang biktima sa kanilang police bunkhouse at doon na raw pinagsamantalahan.
Agad naman umanong inaresto ng mga awtoridad ang inakusahang pulis para sa interogasyon, at nagpapatuloy raw ang imbestigasyon hinggil sa nangyari.