Tila nilaro ng mga taga-Navotas ang singer-actress na si Julie Ann San Jose sa 119th Founding Anniversary ng Navotas City noong Huwebes, Enero 16. Paano ba naman, kung ano-ano ang mga inabot nila kay Julie Anne para magpa-autograph!
Sa naturang pagdiriwang, kasama ni Mayor John Rey Tiangco si Julie Anne sa isinagawa nilang parada kung saan maraming nagpa-autograph at nagpa-picture sa singer-actress.
Habang nasa parada, maraming nag-aabot kay Julie Anne ng mga tshirt para mapirmahan niya ito. Pero tila na-dogshow din siya dahil may mga nag-aabot sa kaniya ng kawali, upuan, gitara, bola, at iba pa. Malugod naman itong inabot ng aktres at pinirmahan.
Sa Facebook group na "Bekis of Pageantry atbp," inupload ng isang netizen na may ngalang "Miss Craziness" ang ilang mga larawan ni Julie Anne na hawak-hawak ang mga pinirmahan niya.
Umabot na sa 63K reactions ang naturang post dahil na-good vibes ang mga netizen sa pangyayari. Marami rin ang pumuri sa inasta ng singer-actress dahil tila game na game raw ito.