Isang 6-anyos na batang lalaki sa Tabogon, Cebu na mahigit isang linggo nang nawawala ang natagpuan sa ilog na pugot na umano ang ulo.
Base sa ulat ng Manila Bulletin, noong Enero 9 nang mawala ang batang kinilalang si John Jio Caballes, residente sa Barangay Libju, Tabogon.
Ikinuwento ng 32-anyos na ama ni John na si Jay-r, isang biyudo, na papunta siya ng bukid dakong 11:00 ng umaga noong Enero 9 at nakita pa niya ang kaniyang anak kasama ang kanilang kapitbahay. Ngunit pag-uwi raw niya, wala na si John at tanging ang 3-anyos na anak niya na lamang ang nasa bahay nila.
Magdamag daw niyang hinanap si John kasama ang kanilang mga kapitbahay. Nang hindi nila ito matagpuan, agad niyang iniulat sa pulisya ang pagkawala nito kinabukasan, Enero 10.
Ngunit noon lamang Biyernes, Enero 17, dakong 11:00 ng umaga, natagpuan ang katawan ng bata sa isang ilog sa Barangay Kawayan. Ang kalunos-lunos pa umanong nangyari: nakita ang pugot na ulo nito mga 18 metro ang layo mula sa kaniyang katawan.
Hindi maisip ni Jay-r kung sino ang gagawa ng krimen laban kay John dahil mabuti raw itong anak at wala naman daw silang kaaway.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nangyaring krimen.
Hinihintay rin umano ang resulta ng autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.