Wala raw planong mamaalam sa showbiz industry si Kapamilya actress Jessy Mendiola kahit manalo sa eleksyon ang mister niyang si Luis Manzano.
Matatandaang naghain ng kandidatura sa pagkabise-gobernador ng Batangas si Luis noong Oktubre 2024 kasama ang kapatid na si Ryan Christian Recto na nag-aasam namang maging Representante ng District 6 ng nasabing lalawigan.
MAKI-BALITA: Vilma Santos at dalawang anak, naghain na ng kandidatura; raratsada sa liderato sa Batangas
Sa ulat ng ABS-CBN News nitong Linggo, Enero 19, ibinahag niya ang mga proyektong gagawin niya sa mga darating na panahon kasama si Kapamilya actor Gerald Anderson.
“Tuloy-tuloy pa rin ako. Actually kaka-meeting ko lang with Star Magic the other night. Mayro’n pang inaayos na soap namin ni Gerald [Anderson], but before I do that soap with him, mayro’n akong mga ibang show na papasukan,” lahad ni Jessy.
Kaya dagdag niya, “Abangan n’yo na lang kung anong show ‘yon. As of now, for this year, baka dalawa [na show]. ‘Yong sa amin ni Gerald inaayos pa yung story.”
Hindi ito ang unang beses na magiging magkatrabaho sina Jessy at Gerald dahil minsan na silang nagkasama sa teleserye ng ABS-CBN na “Budoy” noong 2011.