Humihingi ng tulong si social media personality, entrepreneur, at kumakandidatong konsehal sa Maynila na si Rosemarie Tan-Pamulaklakin o "Rosmar Tan" sa mga netizen na matunton niya ang tinanggal na mall security guard matapos mag-viral ang isang video kung saan makikita ang tila marahas daw na pagtataboy niya sa isang babaeng nagtitinda ng sampaguita habanag nakasuot ng school uniform.
MAKI-BALITA: Rosmar kay Sampaguita Girl: 'Ako ang bahala sa 'yo lilinisin ko pangalan mo!'
Ayon sa Facebook post ni Rosmar noong Huwebes, Enero 16, nais niyang alukin ng trabaho ang nabanggit na sekyu matapos siyang tanggalin sa serbisyo dahil nag-viral ang video nila ng sampaguita vendor.
Alam daw niyang may pagkakamali sa nangyari ang dalawa subalit maaari pa siyang magbago.
"Para sa Sampaguita girl mag aral ka mabuti at tapusin ang pag aaral. Wag ka na magtinda ng sampaguita sa mga bawal na lugar para walang problema. Mag simula ka nalang mag business sa Labas ng bahay nyo tulad ng ihaw ihaw o magtinda ng Rosmar Skincare. ," anang Rosmar.
"At kay kuya Security Guard sana ikaw naman ang NEXT na mahanap ko para mabigyan din kita ng tulong lalo pa at sinibak ka na sa iyong trabaho. Kung nais mo rin mag trabaho sakin hiring ako ng security Guard."
"Alam kong ginawa mo lang best mo para gawin ang trabaho mo un nga lang sumobra lang in a way pero tao ka lang din nagkakamali at pwedeng magbago. Naniniwala ako na kaya mo lang nagawa un dahil ginagampanan mo lang trabaho mo #PINAKAMALAKAS," aniya.
Sa isa pang post, "Any contact din kay Manong Guard na sinibak na sa pwesto? Willing din akong tulungan sya dahil ginagawa lang naman nya ang trabaho nya. Pwede ka rin mag work sakin hiring din ako ng Security Guard. Napasobra nga lang ang ginawa mo kuya pero lahat ng tao nag kakamali at di dapat agad husgahan."
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang updates si Rosmar kung nakausap na niya ang sekyu.