Timbog ang isang lalaking ex-convict ng ilegal na droga matapos mamaril sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Biyernes ng gabi, Enero 17, na naging dahilan ng pagkasawi ng tatlong indibidwal.
Ayon sa mga ulat, nakilala ang suspek bilang si Eduardo Taghoy Jr., 40-anyos, na isa raw ex-convict dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Nakasaad umano sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na binaril ng suspek ang kahit na sinong makasalubong niya sa Looc, Maribago sa Lapu-Lapu City nitong Biyernes ng gabi kahit wala umanong dahilan.
Tatlo ang nakumpirmang nasawi habang isa pa umano ang sugatan dahil sa nasabing pamamaril.
Agad naman daw rumesponde ang mga miyembro ng Lapu-Lapu City Police and Special Weapons and Tactics, at naaresto si Taghoy sa bahay nito sa Brgy. Maribago noon ding Biyernes ng gabi.
Kasalukuyan umanong tinitingnan ng mga awtoridad ang motibo kung bakit nagawa ng suspek ang naturang krimen.