January 18, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na umiiral sa PH – PAGASA

3 weather systems, patuloy na umiiral sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies sa bansa ngayong Sabado, Enero 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Isabela, Aurora, Rizal, Laguna, Quezon, at Camarines Norte.

Pinag-iingat ng PAGASA ang nasabing mga lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley; at maging ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

National

Bulkang Kanlaon, patuloy na nagbubuga ng abo; nasa Alert Level 3 pa rin

Samantala, inaasahang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).