Nasawi ang isang 51-anyos na ginang sa Bacolod City matapos umanong barilin ng lalaki nilang kapitbahay dahil sa pagpapakalat daw ng tsismis na nambababae ito.
Base sa ulat ng GTV News State of the Nation ng GMA News, inihayag ng pulisya na noon pang isang taon nagkaroon ng hidwaan ang ginang at ang lalaki nilang kapitbahay.
Ipinagkakalat umano ng biktima na may ibang karelasyon ang lalaki at ipinarating pa raw ang tsismis sa live-in partner nitong nasa ibang bansa.
Dagdag ng ulat, iginiit naman ng anak ng biktima na bagama’t madalas na makipag-usap ang ina sa iba nilang mga kapitbahay, hindi raw nito pinakikialaman ang buhay ng suspek.
Pumanaw umano ang ginang matapos siyang magtamo ng tama ng bala sa likuran.
Nakatakas naman umano ang suspek at kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.