Ibinahagi ni BB Gandanghari ang kasalukuyan nilang relasyon ng kaniyang nakababatang kapatid na si Senador Robin Padilla.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Martes, Enero 14, sinabi ni BB na mas tanggap na raw ngayon ni Robin ang pagkatao niya.
“Si Robin at si Rustom, ay brothers so they treat each other as brothers and then ang pinakamalaking pagkakaiba, tinatrato ni Robin si Rustom as kuya. Ngayon ang relasyon ko kay Robin is brother and sister,” saad ni BB na dati ay kilala bilang si Rustom.
Dagdag pa niya, “Nire-recognize niya lahat ng iyon. He's treating me as a sister now more than a brother. And then also, dahil iba na 'yung personality, tinatrato niya 'ko bilang mas batang kapatid.”
Matatandaang hindi tanggap noon ni Robin ang pagpapalit ni BB ng identidad mula nang kilalanin niya ang sarili bilang transgender. In fact, dumating pa nga raw sa puntong ayaw siyang makita ng kaniyang kapatid.
Ngunit ayon kay BB, nagbago ang pakikitungo ni Robin sa kaniya dahil sa kanilang ina na kasalukuyang malubha na ang kalagayan ng kalusugan.