Nausisa si "Eat Bulaga" host Vic Sotto sa estado ng kalagayan niya ngayon matapos ang paghahain niya ng kasong 19 counts of cyber libel case laban sa direktor na si Darryl Yap, kaugnay pa rin ng teaser ng pelikulang "The Rapists of Pepsi Paloma."
Sa panayam sa kaniya ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe, bagama't walang direktang tinukoy hinggil sa kaniyang pangungumusta, sinabi ni Vic na "relaxed" lang siya at "go with the flow" lang.
Nang untagin pa ni MJ kung bakit siya unfazed o hindi siya apektado, kalmadong sinabi ni Vic na alam niyang malinis ang kaniyang konsensya.
"I have a clean conscience, malinis ang pakiramdam ko, wala namang dapat ika-worry. Ma-stress ka lang 'pag inisip mo eh," aniya.
MAKI-BALITA: Vic Sotto kaugnay sa kaso kontra Darryl Yap: 'I have a clean conscience!'
Nang tanungin naman ng isa pang reporter kung anong pakiramdam na may pinagdaraanan siya ngayon, "Eh 'di daanan mo lang nang daanan. Isa lang naman ang pupuntahan natin, basta diretso ang daan, iyon naman ang importante, bawal 'yong mga paliko-liko, basta diretso lang ang daan."
Tinanong din siya kung may posibilidad bang maayos ang gusot sa pagitan nila ng direktor.
"I cannot talk about that. Sorry," aniya.
Buo naman daw ang suporta para sa kaniya ng kapatid na si Tito Sotto III at Joey De Leon o mas kilala sa trio na TVJ.
Matatandaang sa latest court order ay pinagbawalan nang magkomento o magsalita ang dalawang kampo dahil sa inilabas na gag order kaugnay sa kaso.