Bumaba ng 4% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang 10% naman ang ibinaba ng kay Vice Presidente Sara Duterte sa ikaapat na quarter ng 2024, ayon sa survey ng Octa Research.
Batay sa noncommissioned 4th Quarter 2024 “Tugon ng Masa” survey ng OCTA na inilabas nitong Martes, Enero 14, nakatanggap si Marcos ng 65% na trust rating, kung saan 4% na mas mababa ito kumpara sa 69% na natanggap niya noong nakaraang quarter ng nasabing taon.
Samantala, 49% ang nakuhang trust rating ni Duterte, kung saan 10% na mas mababa naman ito kumpara sa 59% na natanggap niya noong ikatlong quarter ng 2024.
Pagdating naman sa performance rating, pareho ring bumaba ang porsyentong natanggap nina Marcos at Duterte.
Ayon sa OCTA, 64% ang mga Pinoy na nasisiyahan sa performance ng pangulo, 2% na mas mababa sa 66% na natanggap niya noong nakaraang quarter.
Nasa 48% naman daw ng mga Pinoy ang nasisiyahan sa performance ng bise presidente noong 4th quarter ng 2024, kung saan 4% itong mas mababa mula sa 52% na natanggap niya noong nakaraang quarter.
Isinagawa raw ng OCTA ang naturang survey mula Nobyembre 10 hanggang 16, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 Pilipinong nasa 10 pataas ang edad.