Matapos ang malawakang “National Peace Rally” ng Iglesia Ni Cristo (INC) nitong Lunes, Enero 13, inanunsyo ni dating Senador Sonny Trillanes ang mga petsa para sa mga pagtitipon umanong dadaluhan ng Magdalo Partylist bilang pagsuporta sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang nitong Lunes nang magsagawa ang INC ng peace rally sa 13 sites sa iba't ibang panig ng Pilipinas, kabilang na ang Quirino Grandstand sa Maynila na ayon sa Manila Public Information Office (PIO) ay dinaluhan ng mahigit 1.58 milyong miyembro nito.
Layon daw ng peace rally ng INC na ipanawagan ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng nakahaing impeachment complaints laban kay VP Duterte sa House of Representatives.
Kaugnay naman nito, sa isang X post nito ring Lunes ng gabi, inihayag ni Trillanes na magkakaroon din daw ng mga pagtitipon ng mga sumusuporta naman sa impeachment complaints laban sa bise presidente.
Gaganapin daw ang unang dalawang pagtitipon sa Enero 16 sa Edsa Shrine at sa Enero 18 sa Edsa People Power Monument.
“Ituloy ang impeachment ni Sara!!!” ani Trillanes sa kaniyang post.
“The Magdalo Partylist will join the ff pro-impeachment events:
Jan 16 at Edsa Shrine
Jan 18 at Edsa People Power Monument
Jan 31 Multi sectoral rally (venue to be announced later)
Sama na!!!” saad pa niya.
Isa si Trillanes sa mga hayagang kritiko ni Duterte at nananawagang patalsikin na raw ito sa puwesto bilang bise presidente ng bansa.
MAKI-BALITA: Trillanes, nanawagang i-impeach si VP Sara
Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.