Dead on the spot ang isang 33 taong gulang na babae matapos paulanan ng bala ng riding in tandem sa Kidapawan City, Cotabato.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas noong Biyernes, Enero 10, 2025, nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima nang harangin siya ng dalawang lalaki at saka pinaputukan sa ulo at leeg.
Batay sa kuha ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen, posible umanong tiniktikan ng mga suspek ang pagdating ng biktima matapos makita sa footage na ilang beses nagpabalik-balik ang mga ito sa nasabing lugar.
Nasa tatlong bala ng baril ang narekober ng pulisya sa crime scene kung saan posible umanong gun for hire daw ang tumumba sa biktima. Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng motibo ng mga suspek.