Inaresto ng pulisya ang isang sundalong biglang nagpaputok ng baril sa kahabaan ng isang national highway sa Barangay Bialong M’lang, North Cotabato.
Ayon sa ulat ng Brigada News PH nitong Sabado, Enero 11, 2025, kinilala ang nasabing sundalo na si Private First Class Dennis Piliado, 31 taong gulang na residente rin ng naturang barangay.
Batay sa pulisya, kasalukuyan umanong naghihinagpis si Piliado matapos masawi ang kaniyang mag-ina sa isang aksidente noong Bagong Taon.
Samantala, galing daw sa isang ospital ang nasabing sundalo nang magpaputok ito ng kaniyang service ficearm na caliber 45 habang naglalakad siya pauwi.
Napag-alaman ding ang naturang sundalo rin mismo ang nagmaneho ng sasakyang nabangga kung saan sakay ang kaniyang asawa’t anak na dahilan ng pagkasawi ng mga ito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya si Piliado na nahaharap umano sa kasong Alarm and Scandal.