January 11, 2025

Home BALITA Probinsya

Lalaking nagdiriwang ng kaarawan, patay nang saksakin dahil sa ingay ng videoke, speaker

Lalaking nagdiriwang ng kaarawan, patay nang saksakin dahil sa ingay ng videoke, speaker
(file photo)

Patay sa mismong araw ng kaniyang kaarawan ang isang lalaki sa General Trias, Cavite matapos umano siyang saksakin ng kasamahan ng kanilang kapitbahay na naingayan sa kanilang videoke at tugtog ng speaker sa disoras ng gabi.

Base sa ulat ng GMA Regional TV, ibinahagi ng live-in partner ng biktima na nagkakasiyahan sila noong Biyernes, Enero 10, nang sitahin sila ng kanilang kapitbahay na bantay-bayan dahil sa ingay ng videoke dakong 10:00 ng gabi.

Kaya naman, kahit na pinayagan daw silang mag-extend sa pagvi-videoke ay tumigil na raw sila, dahilan kaya’t umuwi naman na ang naturang kapitbahay.

Samantala, matapos umano ang videoke ay nagpatugtog naman sa speaker ang kapatid ng biktima. Dahil dito, bumalik ang kanilang kapitbahay at ang kasamahan nitong may dala umanong “katana.”Nauwi na raw ang paninita sa suntukan. Nagsimula na rin umanong umunday ng saksak ang lalaking may dalang katana sa kapatid ng biktima na nagpatugtog ng speaker. 

Probinsya

Sundalong namatayan ng asawa't anak, arestado matapos magpaputok ng baril

Dagdag ng live-in partner ng biktima sa nasabing ulat, umawat lamang daw ang kaniyang mister ngunit sinaksak din ito, dahilan ng kaniyang pagpanaw.

Sa kasalukuyan ay kritikal umano ang kondisyon ng kapatid ng nasawing biktima dahil sa mga tama ng katana sa kaniyang katawan.

Nakatakas naman ang kapitbahay nila at kasamahan nito.

Nananawagan ang pamilya ng biktima sa dalawang suspek na sumuko na sa mga awtoridad.