January 12, 2025

Home SPORTS

Eumir Marcial, itinanggi alegasyon ng misis: 'Lahat ng sinabi niya sa social media, 'di totoo!'

Eumir Marcial, itinanggi alegasyon ng misis: 'Lahat ng sinabi niya sa social media, 'di totoo!'
Photo courtesy: Eumir Marcial, Princess Jenniel Galarpe Marcial/Facebook

Binasag na ni Olympic boxer Eumir Marcial ang kaniyang katahimikan hinggil sa usap-usapang Facebook post ng kaniyang misis na si Princess Marcial, patungkol sa umano’y pananakit at pambabae niya. 

Sa panayam ng 89.9 Brigada Zamboanga kay Marcial nitong Sabado, Enero 11, 2025 tahasang inilahad ni Marcial ang umano’y katotohanan laban sa naunang mga alegasyon ng kaniyang misis. 

Matatandaang isa sa mga idiniin ni Princess na na-withdraw na raw ni Eumir ang savings nila sa kanilang joint account upang ipagpatayo raw ng bahay ang kabit nito sa Zamboanga. Ngunit sa panayam ng naturang local media outlet ay itinanggi ito ng Olympic boxer.

KAUGNAY NA BALITA: Olympian Eumir Marcial, kinasuhan ng misis! Nananakit at nambabae raw?

NBA games sa Los Angeles, ipinagpaliban dahil sa malawakang wildfire sa California

“Hindi totoo 'yon, dahil unang-una yung joint account namin nasa kaniya. Hawak niya ngayon.  Yung lahat ng titulo ng bahay namin sa Maynila, yung mga properties namin nasa kaniya. At ang sinasabi niya na pinatayuan ko ng bahay yung babae, hindi yun totoo,” ani Marcial.

Pinabulaanan din ni Marcial ang umano’y bahay ipinatayo niya raw sa kaniyang babae at sinabing kahit daw ang kaniyang mga magulang ay hindi niya nagawang bigyan ng maayos na tirahan sa kabila ng matagumpay niyang Olympic stint.

“Maski nga tatay ko hindi ko mapatayuan ng bahay. Ito, gusto ko ipakita sa taumbayan yung itsura ng bahay ng idol nila, yung pagkaalam nila na very successful na. After Olympics, 'di ko man lang nabigyan ng ayos na pamumuhay yung magulang ko. Yung tatay ko hindi ko man lang nabigyan ng maayos na sasakyan para maayos na makapunta sa ospital, makapagpa-check up,” saad ni Marcial. 

Kinuwestiyon din ni Marcial ang animo’y paggawa raw ng ingay sa social media ng kaniyang misis, gayong personal na bagay na raw ang nangyayari sa kanilang pagsasama. 

“Doon ko naramdaman na hindi na lang pagmamahal yung gusto niya sa akin. Kasi personal matter 'to eh. Bakit pa kailangan i-media? Maayos ako nakipaghiwalay sa kaniya. Maayos ako nagsasabi sa kaniya i-settle natin ito. Kung ano yung property na mayroon ako sa Manila, hatiin namin, ayusin namin 'to. Bakit ayaw?” anang Olympic boxer.

Dagdag pa niya: Bakit gusto niya pa dalhin ito sa media? Bakit gusto niya pa kumuha ng simpatya sa taumbayan? Na niloko siya, sinaktan siya, gumawa pa ng story? Lahat ng sinabi niya sa social media, hindi 'yon totoo. 

Hinggil naman sa umano’y pagkakaroon niya ng ibang babae— “Yung babae na nakita nila sa video, kaibigan ko 'yon, yung nasa picture, kaibigan ko 'yon. Isang beses na pinuntahan ko kasi taga-Zamboanga siya eh. Nagkita kami sa Makati. Coincidence na nagkita kami, taga-Zamboanga pala.”