Nagpaabot ng pasasalamat si dating Senador Bam Aquino kay dating Vice President Leni Robredo dahil sa walang sawa raw nitong suporta sa kandidatura nila ni dating Senador Kiko Pangilinan sa 2025 midterm elections.
Matatandaang sa isang Facebook post nitong Biyernes, Enero 10, ibinahagi ni Robredo ang video ng campaign advertisement nina Aquino at Pangilinan para sa eleksyon sa darating na Mayo.
“Hindi natapos ang laban noong 2022 elections. Ngayong 2025, malaki pa din ang nakataya,” ani Robredo sa kaniyang post.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, nagpakita ng suporta para kina Kiko, Bam para sa 2025 midterm elections
“Maraming salamat sa walang sawang suporta, Ma’am Leni. Tuloy ang laban!” saad naman ni Aquino sa pamamagitan ng isang X post nitong Sabado, Enero 11.
Susubok sina Aquino at Pangilinan na magkaroon muli ng puwesto sa Senado sa eleksyon.
Samantala, matatandaang si Aquino ang tumayong campaign manager ni Robredo noong 2022 national elections kung kailan tumakbo ito bilang pangulo ng bansa. Naging running mate naman ng dating bise presidente sa naturang halalan si Pangilinan.