January 10, 2025

Home SHOWBIZ

‘Naghahanda na sa kaso?’ Darryl Yap, nagbahagi ng larawan kasama mga Fortun

‘Naghahanda na sa kaso?’ Darryl Yap, nagbahagi ng larawan kasama mga Fortun
(Courtesy: Darryl Yap/FB)

Isang araw matapos siyang sampahan ng kasong cyber libel ni "Eat Bulaga" host-comedian Vic Sotto dahil sa teaser ng upcoming movie niyang “The Rapists of Pepsi Paloma,” nagbahagi ang direktor na si Darryl Yap ng larawan kasama ang kilalang abogadong si Atty. Raymond Fortun nitong Biyernes, Enero 10.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Yap ang larawan niya kasama si Atty. Raymond at kapamilya raw nito.

“Thank you Fortuns,” ani Yap sa caption ng kaniyang Facebook post kasama ang hashtags na #TROPP, #TROPP2025 at “The Rapists of #PEPSIPALOMA.”

Kilala si Atty. Raymond Fortun sa kaniyang paghawak sa high-profile clients tulad nina Presidential adviser Juan Ponce Enrile, Senador Bong Revilla, at dating Presidential Adviser Michael Yang. 

Tsika at Intriga

Cryptic post ni Paulo Avelino, pinag-usapan; patutsada sa Star Cinema?

Naranasan din niyang irepresenta si Kris Aquino at naging counsel ng businessman na si Cedric Lee sa kaso nito kay Vhong Navarro. Nirepresenta rin ng abogado ang mga nagpetisyon laban sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ni dating Pangulong Noynoy Aquino at naging miyembro ng defense panel ni dating Pangulong Joseph Estrada sa impeachment trial nito.

Samantala, matatandaang nitong Huwebes, Enero 9, nang kasuhan ni Sotto si Yap ng 19 counts ng cyber libel dahil sa teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma” na inilabas kamakailan, kung saan tahasang binanggit ang pangalan ni Sotto bilang “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.

MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer

Ilang oras matapos nito, iniatas ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang pag-isyu ng Writ of Habeas Data kay Yap, kung saan itinakda rin ang summary hearing sa darating na Miyerkules, Enero 15, 2025 dakong 8:30 ng umaga.

Nito ring Biyernes ng hapon nang maglabas ng panayag si Yap, at sinabing agad nilang sasagutin ang reklamo kapag nakarating na raw ito sa kanila.

MAKI-BALITA: Darryl Yap, nagsalita na sa pagkaso ni Vic Sotto: ‘Mahalagang mapanood muna nila ang buong pelikula’