Iginiit ni "Eat Bulaga" host-comedian Vic Sotto na laban umano siya sa mga iresponsableng tao lalo na sa social media matapos niyang sampahan ng kaso ang direktor na si Darryl Yap nitong Huwebes, Enero 9, kaugnay ng teaser ng upcoming movie na “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Nitong Huwebes nang magtungo si Sotto kasama ang asawa niyang si Pauleen Luna sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) upang isampa ang 19 counts ng cyber libel laban kay Yap sa Office of the Prosecutor sa Muntinlupa.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer
Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag ay iginiit ni Sotto na wala umanong personalan ang pagsasampa niya ng reklamo.
“A lot of people have been asking me: ‘Anong reaction mo.’ Ito na po ‘yun. Ito na po ‘yung reaction ko,” ani Sotto.
“Sabi ko nga walang personalan ito. I just trust in our justice system. Ako’y laban sa mga iresponsableng tao, lalo na pagdating sa social media,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang nang ilabas ang teaser ng pelikula kung saan tahasang binanggit ang pangalan ni Sotto na “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.
"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" mapapanood sa trailer na tanong ng karakter na “Charito Solis” sa pelikula na ginanapan ni Gina Alajar.
"Oo!" mariing naman sagot ng karakter ni “Pepsi Paloma” na ginanapan ni Rhed Bustamante.
Pagkatapos nito, mababasa rin sa naturang clip ang katagang: "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."
MAKI-BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Samantala, nitong Huwebes, Enero 8, nang unang mabalita ang patungkol sa planong paghahain ng reklamo laban ni Sotto laban kay Yap, bagay na ibinahagi pa ng direktor.
MAKI-BALITA: Unbothered? Darryl Yap, ibinalandra balitang irereklamo siya ni Vic Sotto