Inispluk ng “Showbiz Updates” co-host ni showbiz insider Ogie Diaz na si Tita Jegs ang nasagap niya umanong tsika tungkol sa dahilan ng hiwalayan nina Kapuso celebrity couple Jak Roberto at Barbie Forteza.
Sa latest episode ng naturang showbiz-oriented vlog noong Linggo, Enero 5, sinabi ni Tita Jegs na baka nakaramdam umano si Jak ng insecurity kay Barbie dahil sa kasikatang natatamo ng huli.
“Nabalitaan ko lang naman. Isa raw ‘to sa dahilan, sa rason. ‘Yong naramdaman daw ni Jak Roberto ‘yong insecurity niya…na mas sikat na si Barbie [Forteza] kaysa sa kaniya,” saad ni Tita Jegs.
Pero ayon kay Ogie, “I don’t think so. Sinabi naman [nila] dati na supportive sila sa isa’t isa. [...] Saka ‘yong future nila parang pinaplano na nila.”
“Okay naman ang breakup nila. Kaya lang ang mga netizen, makulit ‘yan. Talagang maghahanap sila ng dahilan,” dugtong pa ng showbiz insider.
Matatandaang kapapasok lang ng 2025 nang magulantang ang mga netizen dahil sa anunsiyo ni Barbie sa kaniyang social media post na hiwalay na sila ni Jak.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nananatili pa ring tikom ang bibig ng aktor sa naging breakup nila ni Barbie matapos ang pitong taong pagsasama.
MAKI-BALITA: Matapos 7 taon: Barbie Forteza, Jak Roberto break na!