Inaasahang magpapaulan ang northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Enero 5, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Malaki naman ang tsansang magdadala ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.
Bukod dito, magdudulot din ang shear line ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).