Isang 19 taong gulang na babae ang nasawi matapos siyang pagtatagain ng kaniyang amain sa Sta. Ana, Taytay, Rizal, kamakailan.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Police Chief Lt. Col. Marlo Solero, nangyari ang krimen matapos umanong magkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at ang suspek.
"May bisita po yung suspect, then may kainuman, and then may isang grupo din po—yun naman po grupo ng victim kasama yung boyfriend niya and then yung ibang bisita niya," ani Solero.
Lumalabas sa imbestigasyon na hinabol ng suspek ang biktima at ang boyfriend nito at saka pinagtataga gamit ang isang bolo, na dapat sana ay bibili lamang daw ng inumin.
"Kaya nung lumabas yung mag-boyfriend para bumili ng inumin sinundan nitong suspek dala yung jungle bolo niya at tinaga yung victim several times. Yung cause of death niya, yung taga sa ulo," saad ni Solero.
Nabanggit din ni Solero na may nakakita raw ng mga pangyayari mula sa subdivision guard na si Eduardo Apostol na siya umanong nagpatotoo sa nangyaring habulan ng suspek at ng biktima.
Ayon kay Apostol, sinubukan pa raw umawat ng boyfriend ng biktima, ngunit ito ay tinamaan din sa braso.
"Mayroong lumabas sa gate na naghahabulan, ang isa may itak, yung isa ay tumatakbo na baka maabot siya ng taga. Pagdating diyan sa kalsada na out of balance yung may hawak ng itak kaya di naabot yung biktima," ani Apostol.
Nagawa pa raw humingi ng tulong ng boyfriend ng biktima bago tuluyang magtago ang suspek. Kasunod nito, duguang lumabas ng gate ang biktima bago umano ito tuluyang mawalan ng malay.
Samantala, para sa mga kaanak ng biktima, tila selos umano ang motibo ng suspek.
Batay sa salaysay ng tiyahin ng biktima, minsan na raw kasing nagsumbong sa kaniya ang pamangkin tungkol sa umano'y pagnanasa sa kaniya ng kaniyang amain.
"Nagsumbong po talaga yung bata sa akin. Ang alam ko lang hipo-hipo. Ang alam ko lang talaga diyan baka nagselos lang talaga," saad ng tiyahin ng biktima.
Buhay naman ang hinihinging kapalit ng mga magulang ng biktima.
"Buhay po ang kapalit gusto ko nang patayin kung puwede lang eh," anang ina ng biktima.
Saad naman ng ama ng biktima: "Napakaduwag po niya papatayin yung bata walang kamalay-malay."
Patuloy naman umano ang manhunt operation ng pulisya para sa suspek na nahaharap sa murder at frustrated murder.