Ipinakilala ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap kung sino ang dating child star na tinukoy niyang gaganap sa papel ng namayapang sexy star na si Pepsi Paloma noong 80s.
Ito ay walang iba kundi ang award-winning teen star na si Rhed Bustamante.
Bago pormal at opisyal na ipakilala ay lumikha muna ng ingay ang movie teaser ng pelikula na may pamagat na "Laban o Bawi," nitong Enero 1, 2025, pasabog mismo sa Bagong Taon.
Sa nabanggit na teaser, emosyunal na tinanong ni Gina Alajar, gumaganap sa papel na namayapang si Charito Solis, ang dating award-winning child star bilang si Pepsi.
Mapapanood sa entrada pa lamang ng teaser ang eksena nina Gina at Rhed kung saan nabanggit nga ang pangalan ni Vic.
"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni Gina kay Rhed.
"Oo!" mariing sagot ni Rhed.
Pagkatapos nito, ang sumunod na mababasa ay "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."
Dalawampu't anim na segundo lamang ang itinagal ng teaser subalit nag-trending agad ang pangalan ni Vic Sotto at ni Pepsi Paloma tungkol dito.
Makikita rin ang teaser sa Facebook page na "VinCentiments." May pamagat ang teaser 1 na "LABAN O BAWI."
"Inakusahan ng Rape ni Pepsi Paloma si Vic Sotto atbp; subalit makalipas ang ilang kaganapan ay inurong nito ang demanda.
"Bakit?" mababasa rito.
Pormal na ring ipinakilala sa teaser na ito ang pagganap ni Rhed bilang si Pepsi Paloma.
KAUGNAY NA BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Sa kaniyang hiwalay na Facebook post ay sinabi ni Yap ang dahilan kung bakit si Bustamante ang napili niyang gumanap bilang Pepsi Paloma.
"Maraming Maganda, Maraming Mahusay, pero Konti lang ang Maganda, Mahusay
at MATAPANG."
"14 years old lamang si Pepsi Paloma noong pumasok siya sa Showbiz. Kaya’t mahalagang isang galing sa pagiging Child Star ang gumanap sa kanya."
"Salamat Rhed Bustamante. Salamat sa pagtanggap, pagtitiwala at pagtupad sa pangarap ng isang Batang Olongapo na maikwento ang buhay ng kanyang kababayan," anang direktor sa kaniyang post.
SINO NGA BA SI RHED BUSTAMANTE?
Isa sa mahuhusay na child star ng kaniyang henerasyon si Rhed na nakilala at napanood sa iba't ibang shows sa ABS-CBN, gaya ng "FlordeLiza" at pelikulang "Seklusyon" kung saan nasungkit pa niya ang parangal bilang "Child Performer of the Year," at naging nominado pa bilang "Best Supporting Actress" sa Gawad Urian.
Pagkatapos nito ay nawala sa showbiz limelight si Red.
Sa panayam sa kaniya ng batikang broadcast-journalist na si Korina Sanchez-Roxas noong 2018 sa "Rated K," nasabi ni Rhed na noong una raw, inakala niyang madali lamang ang pag-aartista, subalit nang nakapasok na siya sa showbiz ay kabaligtaran pala.
"Akala ko po pag nag-artista ka marami pong mag-offer sa 'yo pero di po pala gano'n. Hindi rin po pala gano'n kadali mag-artista po," anang Rhed.
Ayon pa sa dating child star, marami rin silang malulungkot na karanasan sa pamilya gaya ng pagpapalayas sa kanila sa inuupahang bahay at magpalipat-lipat ng tirahan, at maputulan ng suplay ng kuryente. Naranasan din niyang magtinda ng mga pagkain katuwang ng kaniyang ina sa may PNR train station sa Sampaloc, Maynila.
Bukod sa pinansiyal na problema ay dinapuan din ng sakit sa balat si Rhed na tinatawag na “incontinentia pigmenti.’ Saad ng doktor, puwede naman itong gumaling subalit kung lumala at hindi naagapan ay maaaring magdulot ng kamatayan sa pasyente.
Ang huling teleseryeng kinabilangan naman ni Rhed ay noon pang "FPJ's Ang Probinsyano."
Bagama't bahagyang nawala sa showbiz spotlight, updated naman ang mga netizen sa kaniya dahil aktibo siya sa pag-uupload ng kaniyang mga litrato sa kaniyang social media platforms, partikular na sa Instagram.
Marami naman ang nakakapansin sa kaniyang glow up dahil hindi na siya child star ngayon kundi isang teen girl, kaya nag-viral siya noong 2022 dahil sa kaniyang Instagram posts.
KAUGNAY NA BALITA: Glow up ng child star na si Rhed Bustamante, nagpa-wow sa mga netizen
At ngayong 2025, aabangan ang comeback movie ni Rhed sa "The Rapists of Pepsi Paloma."
KAUGNAY NA BALITA: Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'