Tatlong weather systems ang inaasahang magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong ikalawang araw ng Bagong Taon, Enero 2, 2025, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang weather system na Intertropical Convergence Zone (ITCZ), o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Romblon, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Malaki rin ang tsansang magdala ang ikalawang weather system na shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Bicol Region, Quezon, Marinduque, Aurora, Isabela, Quirino, at Cagayan.
Inaasahan namang magdudulot ang ikatlong weather system na northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley, at Ilocos Norte.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, magdadala rin ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Ilocos Region. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa mga Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon bunsod ng shear line. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).