Isang residente mula sa Barangay Sta. Rosa, Murcia, Negros Occidental ang nasawi sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Kinilala ang biktima na si Gino Garcia na binawian ng buhay matapos umanong pagsasaksakin ng suspek na si Reynaldo Apisanda Jr.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nauwi sa malagim na krimen ang komprontasyon ng dalawa dahil umano sa ingay ng tambucho ng motorsiklo ng biktima.
Mabilis daw na nagkainitan ang dalawa, dahilan kung bakit inundayan ng saksak ni Apisanda si Garcia gamit umano ang isang kutsilyo na may habang siyam na pulgada.
Samantala, kinumpirma naman ni Police Lieutenant Leo Anthony Genita, deputy police ng Murcia Police, na naaresto ang suspek noong Enero 1, 2025 matapos siyang matimbog sa follow-up operation sa bahay ng kaniyang kamag-anak.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek.