Pumalo na sa anim ang bilang ng mga indibidwal na nasawi dahil sa road traffic accidents sa bansa ngayong holidays.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), mula sa dating lima lamang na naitala hanggang nitong Disyembre 30, 2024, ay nadagdagan pa ang mga holiday road crash deaths ng isa, hanggang nitong Martes, Disyembre 31.
“Isa na naman ang patay matapos masangkot sa motorcycle accident nang walang helmet,” ayon pa sa DOH.
Kinumpirma rin ng DOH na halos lahat sa kabuuang bilang ng namatay sa aksidente ay nasawi dahil walang suot ng safety gears.
“Halos lahat sa kabuuang bilang ng aksidente ay walang suot na safety gears tulad ng helmet at seatbelt,” dagdag pa ng DOH.
Nabatid din na sa anim na namatay sa aksidente, apat ang dahil sa motorcycle accident.
Samantala, iniulat din ng ahensya na nakapagtala pa sila ng 39 na bagong kaso ng aksidente sa kalsada sa nakalipas lamang na magdamag, sanhi upang umabot na sa 496 ang total cases nito simula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 31, 2024 lamang.
Anang DOH, ito ay mas mataas ng 33% kumpara sa bilang na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Sa kabuuang bilang naman ng road accidents, 356 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo at 83 sa naaksidente ay nakainom ng alak, habang 427 naman ang hindi gumamit ng safety accessories.
Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ng DOH ang publiko na palagiang magsuot ng helmet at seatbelt kung sasakay ng motorsiklo o anumang uri ng behikulo.
Kung nakainom naman ng alak, dapat na iwasan ang pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Dagdag pa nila, dapat ding sundin ng mga drivers ang speed limits at road signs, at tiyaking may sapat na tulog bago magmaneho.
Sakali naman anilang magkaroon ng emergency sa kalsada, maaari anilang tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline