Tila nasagot na ang mga katanungan tungkol sa pagkalat ng kuhang video sa aktres na si Cristine Reyes na emosyunal na papaalis ng Solaire Resorts sa Parañaque City, na nagsilbing venue sa naganap na "Gabi ng Parangal" ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Biyernes, Disyembre 27.
Matatandaang bago tuluyang umalis ay naging presenter muna si Cristine para sa kategoryang "Best Supporting Actor" kung saan naisyu pa nga ang reaksiyon nila ng co-star sa pelikulang "The Kingdom" at co-presenter na si Sue Ramirez, nang inanunsyo nilang si Kapuso star Ruru Madrid ng "Green Bones" ang nakasungkit ng parangal.
Batay sa Instagram stories ng ate niyang si Ara Mina ay isinugod nila sa ospital ang kanilang ina.
Hindi naman idinetalye ni Ara kung ano ang kondisyon ng kanilang ina kaya naisugod sa ospital.
Ngunit batay sa latest update ni Ara, mula sa emergency room ay nailipat na ang kanilang ina sa private room nito.
Makikita naman sa Instagram stories ni Cristine na kasama niya ang anak na si Amarah habang nagbabantay sila sa private room ng ina sa ospital.
Ipinagpalagay naman ng mga netizen na ito na nga ang dahilan kung bakit umiiyak na humahangos si Cristine papaalis ng venue ng MMFF Gabi ng Parangal.
Ipinagdasal ng mga netizen ang mabilis na recovery ng kanilang ina ni Ara.