Ibinalandra na ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap ang poster ng kaniyang movie project na "The Rapists of Pepsi Paloma" na inaasahang gugulong na ang shooting sa 2025.
Noong Oktubre, unang ibinahagi ni Direk Darryl ang tungkol dito sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.
Aniya, gagawa umano siya ng isang pelikula patungkol sa pumanaw na sexy star na si Pepsi Paloma o Delia Dueñas Smith sa tunay na buhay, na sumikat noong 80s, at naging kontrobersiyal ang pagkamatay.
"ang aking kababayan na si Pepsi Paloma, Olongapeña, Artista, Biktima. sa darating na 2025, bago sumapit ang ika-40 anibersayo ng kanyang kontrobersyal na pagpapatiwakal—Kilalanin natin ang Anino, ang Multo, ang Alingasgas ng kanyang Pagkatao. Ang Aking ika-17 Pelikula: THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA," mababasa sa post ng direktor noong Oktubre.
MAKI-BALITA: Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'
Kontrobersiyal ang pagkamatay ni Pepsi dahil sa isyu ng umano'y pagkitil sa sarili matapos makaranas daw ng panggagahasa.
Hindi pa nagbigay ng iba pang detalye ang direktor, ngunit ang sabi niya, ang gaganap na Pepsi Paloma ay isang former child star, ayon sa kaniyang latest Facebook post.
Ang aktres at direktor namang si Gina Alajar ang gaganap na yumaong aktres na si Charito Solis.