Nagbigay ng pahayag ang entertainment production na Manila Genesis hinggil sa partial refund hinggil sa naputol na daloy ng concert ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano noong Disyembre 20.
Sa Facebook post ng Manila Genesis nitong Sabado, Disyembre 28, humingi sila ng paumanhin sa mga nagsidalo sa unang araw ng naturang concert.
“We would like to apologize to all who attended Day 1 of Gary V. Pure Energy: One More Time held on December 20 at Smart Araneta Coliseum,” saad ng Manila Genesis.
Dagdag pa nila, “Your trust and support matter to us and we regret to hear that some of you felt disappointed, or shortchanged.”
Kaya naman, nauunawaan at iginagalang daw ng team ni Gary ang pagkadismaya ng tao sa kakulangan nilang maabot ang inaasahan ng mga ito.
“If you feel you did not get the concert value you paid for and wish to request a partial refund, please reach out to us directly at [email protected] as we are currently discussing the mechanics with the TICKETNET PH management,” anila.
Magsisimula raw iproseso ang mga email inquiries mula Enero 2 hanggang Enero 31, tuwing weekdays, mula 10 am hanggang 5 pm.
Matatandaang nahinto ang concert noong Disyembre 20 dahil may nakain daw na kung ano si Gary na naging dahilan ng pagsusuka nito ayon sa misis nitong si Angeli Pangilinan.