Talagang “happy” na ang New Year ng isang mananaya ng lotto matapos niyang mapanalunan ang mahigit ₱202 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), napanalunan ng isang mananaya ang ₱202,500,000 sa regular draw noong Sabado, Disyembre 28.
Nahulaan niya ang winning combination na 45-46-33-23-03-48.
Hindi pa naman isinisiwalat ng PCSO kung taga-saan ang “maswerteng” bagong milyonaryo bago ang Bagong Taon.
Samantala, kinakailangan daw ng lucky winner na iprisinta ang kaniyang ticket at dalawang valid IDs sa punong tanggapan ng ahensya sa Mandaluyong City upang makubra niya ang kaniyang premyo.
Binibigyan naman ang lahat ng lucky winners ng lotto ng isang taon upang kunin ang premyo, at kung hindi nila ito makubra sa naturang palugit na panahon, mapupunta ang halaga ng salapi sa kawanggawa.