Ang beteranang aktres at direktor na si Gina Alajar daw ang gaganap na pumanaw na si Charito Solis sa gagawing biopic movie ng direktor na si Darryl Yap, para sa kababayang si Delia Dueñas Smith o mas sumikat sa screen name na "Pepsi Paloma."
Makikita ang poster ni Gina na naka-in character na sa namayapang si Charito, sa latest Facebook post ni Direk Darryl.
"Multi-awarded actress-director GINA ALAJAR steps into the role of the late screen icon Charito Solis in the upcoming film THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA," mababasa sa caption ng post ni Yap.
Samantala, ang gaganap naman bilang Pepsi ay isang former child star na hindi pa tinukoy ng direktor.
Kontrobersiyal ang pagkamatay ni Pepsi dahil sa isyu ng umano'y pagkitil sa sarili matapos makaranas daw ng panggagahasa mula sa mga sikat na personalidad noong 80s.
Mahalaga ang papel ni Charito sa buhay ni Pepsi dahil naging malapit sila sa isa't isa nang magkasama sila sa "Naked Island (Butil-Ulan)," ang pelikulang ipinalabas sa mga sinehan noong Hunyo 17, 1984.
Isa si Charito sa mga nagtungo sa morgue kasama ang make-up artist na si E. Dueñas upang masilayan ang bangkay ng sexy star.
Kuwento ng make-up artist sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP), isinama siya ni Charito sa morgue dahil wala raw nagtutubos sa bangkay ni Pepsi. Kilala kasi si Charito bilang mabait at nanay-nanayan ng ilang mga artista noong araw.
MAKI-BALITA: Poster ng 'The Rapists of Pepsi Paloma,' inilabas na ni Darryl Yap
MAKI-BALITA: Darryl Yap, gagawa ng pelikula tungkol sa 'rapists ni Pepsi Paloma?'