December 30, 2024

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

3 weather systems, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH
Courtesy: PAGASA/website

Inaasahang patuloy na magpapaulan ang tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Disyembre 29, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, Aurora, Oriental Mindoro, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes.

Inaasahan namang magdudulot ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang isolated na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, mga natitirang bahagi ng MIMAROPA, mga natitirang bahagi ng Bicol Region, Zamboanga del Norte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Malaki rin ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.

National

Mga nabiktima ng paputok sa bansa, tumaas ng 35% nitong 2024 – DOH

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng ITCZ. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).