Kahit hindi nakasama sa media conferences, out of town shows, at malalang promotion ng pelikulang "And The Breadwinner Is..." ay aktibo naman ang isa sa mga cast member nitong si Anthony Jennings sa panghihikayat sa mga netizen na panoorin at tangkilikin ang kanilang pelikula, na pinagbibidahan ni Unkabogable Star Vice Ganda.
Sa kaniyang Instagram post sa unang araw ng pagbubukas ng mga sinehan para sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF), ibinahagi ni Anthony ang official poster ng kanilang pelikula at sinabi niyang bata pa lamang daw siya ay talagang breadwinner na siya.
"Tulad ng karamihan, maaga din po ako naging breadwinner kaya ramdam ko ang hirap at saya na bitbit nila araw araw," aniya.
Tila makahulugan naman ang mga sumunod na talata dahil sinabi niyang sa kaniyang mga kinahaharap na problema ang nagsisilbing sandalan niya ay ang pamilya at mga kaibigan.
"May mga araw diyan na mahirap kaya mahalaga sakin ang pamilya at ang mga kaibigan ko na pamilya ko na din kasi sa bawat problema na pinag dadaanan ko sila lang ang nag sisilbing sandalan ko na kahit anong mangyare palagi silang may paraan para mapasaya ako."
"Itong pelikulang 'And The Breadwinner Is' talagang malapit sa puso ko. Poster palang maluha luha nako eh "
"Ngayong pasko ito po ang aming pinaka malaking handog para sainyo. Sa mga breadwinner at sa bawat miyembro ng pamilyang Pilipino."
"Maligayang pasko sa ating lahat at magkita kita tayo sa mga sinehan ngayong pasko. Maraming salamat po! "
Mapapansin namang naka-limit lamang ang puwedeng magkomento sa comment section ng kaniyang post, kaya hindi basta-basta makakapambash ang detractors.
Matatandaang kamakailan lamang ay nalagay sa kontrobersiya sina Anthony at katambal na si Maris Racal, na cast member din ng pelikula, matapos isiwalat ng ex-girlfriend ng aktor ang screenshots ng sweet conversations ng dalawa.
Makalipas ang ilang araw na pagiging trending at bina-bash sa social media ay magkahiwalay na nagsagawa ng public apology ang dalawa, sa pamamagitan ng ABS-CBN News.