Magandang balita dahil kasado na ang ipatutupad na wage hike o umento sa sahod para sa mga kasambahay sa National Capital Region (NCR) at Northern Mindanao sa susunod na buwan.
Nabatid na inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. NCR-DW-05 na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para sa NCR na nagpapahintulot sa ₱500 monthly increase para sa mga kasambahay sa rehiyon.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), dahil sa naturang umento, ang monthly minimum wage ng naturang sektor sa NCR ay magiging ₱7,000 na.
Nabatid na kinatigan din ng NWPC ang wage order na inisyu ng RTWPB Region X, na nag-aapruba sa ₱1,000 increase para sa mga kasambahay sa rehiyon.
Dahil dito, aabot na sa ₱6,000 ang kanilang matatanggap na monthly minimum wage.
Samantala, ang ₱23 hike naman para sa minimum wage sa non-agriculture sector, at ₱35 para sa agriculture sector ay nakatakdang i-release sa dalawang tranches, ay aprubado na rin ng RTWPB.
Ayon sa DOLE, sa sandaling tuluyan nang maipatupad, ang minimum wage rates sa Northern Mindanao ay tataas na mula ₱446 at naging ₱461.