Patay ang isang tricycle driver matapos umanong pagtulungang pagsasaksakin ng kaniyang mga kapitbahay sa harapan mismo ng kaniyang tahanan sa Antipolo City nitong araw ng Pasko, Disyembre 25.
Kinilala ang biktima na si Dandy delos Santos, 49, tricycle driver at residente ng Brgy. San Jose, Antipolo City.
Arestado naman ang tatlo sa apat na kataong itinuturong suspek sa krimen na kinilala lang sa mga alyas na ‘Richard,’ 43, gym instructor; ‘Ric,’ 47, machine operator; at ‘Kyle,’ 22, pawang kapitbahay ng biktima.
Nakatakas naman ang isa pang suspek sa krimen na si alyas ‘John,’ 44, tricycle driver.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tapat ng tahanan ng biktima sa Tulips St., sa Sitio Bagong Buhay, Brgy. San Jose.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago ang krimen ay kasalukuyan umanong nasa labas ng kaniyang bahay ang biktima at tinatangkang buksan ang pinto.
Maya-maya ay nakarinig na lang umano ang mga kaanak ng biktima ng sigawan sa labas at nang alamin kung ano ang nangyayari ay nakita umano nila ang apat na suspek, na nasa lugar, habang duguan nang nakabulagta at walang buhay ang biktima.
Isa umano sa mga suspek na si alyas ‘John’ ang nakita nilang may hawak pa kutsilyo habang tumatakas at nagsipasok naman sa kani-kanilang tahanan ang iba pang suspek na tila walang nangyari.
Kaagad namang nagreport sa pulisya ang mga kaanak ng biktima na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlo sa mga suspek.
Gayunman, patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pagpatay at upang maaresto ang isa pang suspek sa krimen.