Patuloy pa rin ang pagkilos ng Tropical Depression Romina pahilaga, ngunit hindi na ito nakaaapekto sa Kalayaan Islands, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng umaga, Disyembre 23.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Romina 165 kilometro ang layo sa kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
Wala nang nakataas na tropical cyclone wind signal sa alinmang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, bagama’t mabagal na kumikilos ang bagyong Romina, wlaa na ang Kalayaan Islands sa radius nito.
Maaaring itaas ang bagyo sa kategoryang “tropical storm” sa susunod na 12 oras bago humina sa “tropical depression” category mamayang gabi o bukas ng madaling araw, Disyembre 24. Tuluyan itong hihina sa paglapit sa Vietnam.