Inanunsyo ng grupong MANIBELA ang nakatakda raw nilang regalo para sa mga commuters ngayong holiday season.
Sa kanilang opisyal na Facebook page, inihayag ng MANIBELA na maagbibigay raw sila ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon upang ipakita ang kanilang pasasalamat para sa lahat daw ng nagpakita ng suporta sa kanilang naging laban tungkol sa Jeepney phaseout.
“Mapagpalang araw po sa ating lahat, ang grupong MANIBELA ay maglulunsad ng libreng sakay ngayong holiday season bilang pasasalamat sa mga komyuters na nakiisa sa ating pakikipaglaban sa ating mga karapatan, bilang pagbabalik ng biyaya, magkakaroon ng libreng sakay ang buong pwersa ng MANIBELA sa buong bansa sa Disyembre 25, 2024 at Enero 1, 2025,” anang MANIBELA.
Ikakasa ng MANIBELA ang naturang libreng sakay sa kasagsagan daw ng morning at afternoon rush. Tinatayang nasa lima hanggang sampung minuto naman daw ang pagitan ng bawat available na unit ng jeep depende raw sa ruta at trapik.
Narito ang schedule ng LIBRENG SAKAY ng MANIBELA:
Disyembre 25 at Enero 1
Umaga
5:00am hanggang 10:00am
Hapon
4:00pm hanggang 9:00pm
Upang malaman ang unit na kabilang sa maghahatid ng libreng sakay, magpapaskil daw sila sa signboard section ng “LIBRENG SAKAY.”
Dagdag pa ng MANIBELA: “Hatid ng MANIBELA ang simpleng pasasalamat sa aming mga suking mananakay kaya naman inilunsad namin ang ganitong programa upang makagaan kahit papaano sa gastusin ng ating mga komyuter."