Isang magnitude 4.5 na lindol ang yumanig sa probinsya ng Surigao del Norte nitong Lunes ng hapon, Disyembre 23, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 2:21 na hapon.
Namataan ang epicenter nito 42 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng General Luna, Surigao del Norte, na may lalim na 10 kilometro.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.