Patuloy pa rin ang pagkilos ng Tropical Depression Romina patungo sa Southern Kalayaan Islands, ayon sa 5 PM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Disyembre 22.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Romina sa coastal waters ng Rurok Island, Kalayaan, Palawan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pahilaga sa bilis na 35 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas sa Signal No. 1 ang southern portion ng Palawan (Balabac) at Kalayaan Islands.
Base sa forecast track ng PAGASA, maaaring dumaan ang bagyong Romina malapit sa southern portion ng Kalayaan Islands area sa susunod na 24 na oras. Hindi isinasantabi ang posibilidad na pumasok ito sa loob ng PAR sa maikling panahon.
Maaaring itaas ang bagyo sa kategoryang “tropical storm” sa susunod na 12 oras bago humina sa “tropical depression” category sa nalalabing forecast period.