Inanunsyo ng R&B singer na si Denise Julia ang kaniyang social media hiatus, matapos ang kontrobersiyal na expose laban sa kaniya ng celebrity photographer na si BJ Pascual.
Sa pamamagitan ng kaniyang Instagram story, sinabi ni Denise na magpapaalam na muna siya sa social media, matapos booking ni BJ ang umano'y ginawa ng kaniyang team sa team ni BJ matapos mapurnada ang nakatakda sanang photoshoot nila.
"aaand that's officially my last post for the year. socmed break starts now. detoxing from the digital world. apps deleted, focus restored. will be back next year! i love you guys," aniya.
Isiniwalat ni BJ sa podcast ni Killa Kush noong Biyernes, Disyembre 20, 2024, ang pangalan ni Denise Julia matapos siyang matanong kung sino ang "worst celebrity/model to shoot" batay sa kaniyang karanasan. Batay kasi sa kuwento ni BJ ay nag-last minute cancellation ang team ni Denise sa kanilang nakatakdang photoshoot para sa cover photo ng ilalabas na album ng singer.
Tumanggi raw ang kampo ng singer nang singilin nila dahil sa pagkansela ng proyekto, lalo't planado na ang lahat.
Mabuti na lamang daw at to the rescue si Sarah Lahbati, matapos makumbinsi ni BJ na siya na lang ang mag-shoot, dahil matagal na raw sana nilang plano, kaya lang ay hindi swak ang mga schedule nila. Pumayag din si Sarah na mag-split na lang sila ni BJ sa bayad, para nang sa gayon ay mairaos na lang nila ito.
Ang mas nakasasama pa raw ng loob, hindi man lang daw nag-sorry ang kampo ni Denise Julia tungkol dito.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Denise tungkol sa isyu.