Isang 15 taong gulang na dalagita ang pinaniniwalaang namatay matapos umano itong pagsamantalahan ng 13 lalaki sa Oslob, Cebu.
Ayon sa ulat ng Frontline Tonight nitong Biyernes, Disyembre 20, 2024, tatlong araw daw nawala ang biktima bago ito tuluyang nakauwi.
Base rin umano sa imbestigasyon, ang kasintahan daw ng biktima ang huli niyang nakasama noong Disyembre 9 matapos silang magtungo sa isang disco matapos magkayayaan dahil sa pistahan. Ito na raw ang huling beses na nasilayan ang biktima bago tuluyang mangyari ang naturang krimen.
Sa panayam ng News 5 sa ina ng biktima, nagawa pa raw ikuwento sa kaniya ng kaniyang anak na pinainom daw siya ng mga suspek at nagawa pa raw nilang tumawag ng iba pa, upang isagawa ang pananamantala sa dalaga.“Sabi ng anak ko, 'ayaw kong uminom, uuwi na ako kasi may pasok pa bukas.' Ang sabi naman ng mga lalaki, 'di na uso ang mag-aral.' 13 talaga sila. Nagtawag pa ng ibang kasamahan sa cellphone, sabi pumunta na kayo dito may bibiktimahin na naman tayo,” anang ina ng biktima.
Matapos daw mawala ng tatlong araw, nakauwi ang biktima habang balisa, may malaking pasa sa hita at sumusuka ng dugo. Isang araw pa ang lumipas nang manigas daw ang katawan nito at naideklarang dead on arrival sa ospital.
Batay sa death certificate ng biktima, hindi umano natukoy kung ano ang ikinamatay ng biktima. Inaantay pa umano ang resulta ng autopsy report mula sa labi ng biktima.
Samantala, hindi pa rin umano tukoy ng mga awtoridad ang posibleng mga persons of interest sa kabila ng naging huling salaysay ng biktima sa kaniyang ina.
Ayon kay P/Capt. Jan Ace Elcid Layug, kinukumpirma pa raw nila kung totoo raw ang naturang bilang ng mga suspek.
"Kino-confirm pa po natin, kung gaano talaga karami yung suspek, o kung totoo na marami ba talaga na suspek,” ani Layug.
Hustisya ang sigaw ng ina ng biktima na para na rin sa ikapapanatag ng kaniyang anak.
"Hustisya! Sana makita na yung mga suspek para mapanatag na ang anak ko,” giit ng ina ng biktima.