Ang masayang araw para sana sa dalawang ikakasal ay nauwi sa trahedya.
Patay ang isang groom matapos siyang barilin ilang oras bago ang kaniyang kasal sa Laoag City, Ilocos Norte, noong Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Andres Dacquioag, 59-anyos, at nakatakda sanang ikasal mismong araw ng Miyerkules.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, katatapos lamang umano ang bachelor's party ng biktima at nakatayo ito sa labas ng isang convenience store kasama umano ang kaniyang soon-to-be-bride nang barilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at likod ang biktima.
Isinugod pa raw ito sa ospital ngunit binawian na ng buhay.
Dagdag pa ng ulat, dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng awtoridad sa crime scene.
Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo ng pagpatay.