Hinuhulaan ng mga netizen kung sinong celebrity ang tinutukoy ng aktor at vlogger na si Jomari Angeles na nagpa-activate sa kaniyang "pet peeve."
Ayon sa TikTok video ni Jomari noong Disyembre 17, may collaboration daw sana siya sa isang celebrity na kasama sa isa sa mga pelikulang kalahok sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi raw natuloy ang nabanggit na collaboration matapos daw pangalawang beses na umatras ang nabanggit na celebrity dahil daw sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Take note daw na ang team ng nabanggit na celebrity ang nakipag-ugnayan sa kaniya para sa isang kolaborasyon kaya pinaghandaan daw ito ni Jom.
Ngunit nang nasa venue na si Jomari sa may bandang Eastwood sa Quezon City, dito na nagkaroon ng problema dahil ang pagkakaalam daw ng celebrity ay December 11 gagawin ang content.
Humingi sa kaniya ng pasensya ang staff dahil daw sa miscommunications, at tinanong si Jom kung okay pa bang gawin ang collaboration.
Pumayag naman ang aktor-vlogger at pinagbigyan pa ang celebrity.
Ngunit sa ikalawang pagkakataon, hindi na naganap ang kolaborasyon dahil tuluyan nang nag-back out ang celebrity dahil daw sa "management concerns."
Ang concern ni Jomari, kung una pa lang ay may problema na, sana raw ay hindi na sila nag-reschedule dahil marami rin siyang nakalinyang mga gawaing kailangang tapusin, subalit na-adjust na nga dahil sa inasahang collaboration sa nabanggit na celebrity.
"Inis na inis ako kasi ano ba 'yon, porket artista ka, sikat ka, wala ka nang pakialam sa schedule ng ibang tao. Oo mas flexible 'yong schedule ko pero nag-block off ako ng araw na 'to para nga sa collaboration na 'to. Trabaho 'to eh. Work is work..." giit ni Jom.
Sa dulo ng video, sinabi ni Jomari na kaya niya ginawa at ipinost ang video ay para magdala ng awareness na pagdating sa schedule sa trabaho ay dapat ayusin at siputin.