Pinag-usapan nina Cristy Fermin at co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez sa kanilang showbiz-oriented vlog na "Showbiz Now Na" ang tungkol sa kandidatura sa pagkasenador ni "Wil To Win" TV host Willie Revillame.
Batay raw kasi sa ilang naglabasang survey ay pasok sa top 10 si Willie kaya baka hindi na raw siya umatras at magtuloy-tuloy na ang kaniyang pagtakbo.
Sey ni Cristy, mukhang maganda raw ang imahe ni Willie sa ibang tao, pero iba raw ang nasasabi ng mga taong nakakasama ni Willie sa trabaho, na ang dami raw kuwento.
Kung dati raw ay bahagi si Willie ng "Hawi Boys" ng singer-TV host na si Randy Santiago, ngayon daw ay may sarili na ring tagahawi si Willie na nauuna raw sa tuwing naglalakad siya sa gusali ng TV5.
At kapag dadaan daw si Willie, kailangan daw walang tao sa lobby, sa hallway, at wala raw dapat kasabay sa elevator.
"Parang siya may-ari ng estasyon," hirit pa ni Cristy.
Bukod dito, may instructions din umano si Willie na bawal tumapak sa mismong entablado ng kaniyang programa ang mga cameramen, dahil magastos raw ang pagpapagawa niyon.
Natsika naman ni Romel Chika na nakarating daw sa kaniya na ayaw na raw magpatawag ng "Kuya" ni Willie kundi "Sir" na.
Noon daw, sa kaniyang "Wil Tower" ay may sariling elevator si Willie, bagay na natural lang daw dahil pag-aari niya ang building.
Pero ibang usapan na raw kung nais daw niyang solohin ang paggamit ng elevator ng TV5, na dapat ay para sa lahat.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Willie tungkol sa mga isyung pinakawalan ni Cristy. Bukas ang Balita sa panig ni Willie.