December 16, 2024

Home BALITA National

Mary Jane Veloso nasa Jakarta na, ayon sa kaniyang ina

Mary Jane Veloso nasa Jakarta na, ayon sa kaniyang ina
Mary Jane Veloso (MB file photo)

Mula sa kaniyang kulungan sa Yogyakarta, nakarating na sa Jakarta, Indonesia si Mary Jane Veloso upang simulan proseso para sa kaniyang pag-transfer sa Pilipinas, ayon sa kaniyang ina. 

Sa panayam ng Unang Balita ng GMA Integrated News, ibinahagi ng ina ni Veloso na si Celia Veloso na kahapon ng Linggo, Disyembre 15, nang makarating ito sa Jakarta para sa pag-aayos ng mga papeles.

“Kahapon pa po nasa Jakarta na… ‘Yun lang po ang alam namin, pinunta na po sa Jakarta. Aayusin lang ‘yung mga papeles na kailangan at alam ko po na makakauwi na ang aking anak kaya hihintayin na lang po namin dito,” saad ni Celia.

Nakatakda sanang bumisita ang pamilya ni Veloso sa Yogyakarta mula Disyembre 16 hanggang 18 ngunit hindi na natuloy dahil sa pagsisimula ng proseso para sa kaniyang pag-transfer sa Pilipinas.

National

4Ps at AICS, dapat pinagtuunan ng pansin kaysa AKAP<b>—Sen. Pimentel</b>

MAKI-BALITA: Pagbisita ng pamilya kay Mary Jane Veloso, hindi natuloy

Matatandaang noong Disyembre 6 nang kumpirmahin ng isang opisyal sa Indonesia na makababalik na sa Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.

MAKI-BALITA: Mary Jane Veloso, makakauwi na ng 'Pinas bago mag-Pasko – Indonesian official

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang 16-anyos na anak ni Veloso sa pamahalaan ng Indonesia dahil sa wakas ay makakabalik na raw sa Pilipinas ang kaniyang ina.

MAKI-BALITA: Anak ni Veloso, pinasalamatan Indonesian gov’t: ‘Mararanasan ko na po magkaroon ng nanay’

Sa pag-transfer ni Velos sa Pilipinas, mananatili siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.

Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.