May 01, 2025

Home BALITA National

Malaking bahagi ng bansa, patuloy na uulanin dahil sa 3 weather systems – PAGASA

Malaking bahagi ng bansa, patuloy na uulanin dahil sa 3 weather systems – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Disyembre 16, dulot ng tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, at Bicol Region.

Inaasahan namang magdudulot ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang isolated na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Davao Region.

Malaki ang tsansang magdala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.

National

Atty. Kaufman, pinuri pag-imbestiga ni Sen. Imee sa pag-aresto kay FPRRD

Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao dahil sa ITCZ.

Inaasahan ding magkakaroon ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon bunsod ng amihan.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers sa mga natitirang bahagi ng Visayas. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).