Pinatay ng 63-anyos na lalaki ang kaniyang umano'y girlfriend bago patayin ang kaniyang sarili sa isang sakahan sa Brgy. Pilar, Santa Maria, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si "Jovelyn," 43, tubong Paniqui, Tarlac, habang ang suspek naman ay kinilalang si "Danilo," isang magsasaka. Sila ay parehong naninirahan sa Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, mayroong relasyon ang dalawa sa loob ng ilang taon na nagdulot umano ng problema sa kanilang mga pamilya.
No'ng Disyembre 13, bandang alas-siyete ng umaga, kasama ni Jovelyn ang kaniyang mga katrabaho habang nag-aayos ng mga talong na idedeliver.
Ayon sa mga witness, dumating umano si Danilo lulan ng kaniyang motorsiklo at may ibinulong sa biktima, ilang sandali raw ay nagalit ang suspek at kinuha umano ang cal. 9mm pistol sa motorsiklo.
Pinakalma umano ni Jovelyn si Danilo pero tinutukan siya ng baril nito at pinaputukan ng isang beses sa likod ng ulo, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Matapos nito, binaril din ng suspek ang sarili sa ulo na kaniya ring ikinamatay.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang isang unit ng cal. 9mm pistol, dalawang empty cartridges, at limang live ammunitions.
Dinala ang mga labi nina Jovelyn at Danilo sa Eastern Pangasinan District Hospital, Tayug, Pangasinan para sa medico-legal examination. Ang mga narekober naman na mga ebidensya ay nasa ilalim ng kustodiya ng Santa Maria Police para sa documentation at proper disposition.
Liezle Basa Iñigo at Nicole Therise Marcelo